Saturday, August 22, 2015

Pananampalataya

       Araw ng linggo, ako ay nagpunta sa aming simbahan. Nagulat ako sa dami ng taong aking nakita. Kung ikukumpara mo sa pangkaraniwang araw ng linggo 'di mapagkakaila na mas maraming nagsimba ngayon. Hindi naman mahal na araw para maging ganito karami ang tao. Pinagmasdan ko ang paligid at aking nakita ang dahilan. Narito sa simbahan namin ang poong Nazareno.

       Nang magsimula ng magsalita ang aming kura paroko, nabanggit niya na siya'y nagagalak sapagkat binisita tayo ng ating mahal na poong Nazareno. Siya rin daw ay masaya sapagkat maraming dumalo sa banal na pagtitipon tipon. Ngunit sa kabila daw ng kanyang kasiyahan ay may lungkot din siyang nadarama. "Kung iisipin natin ang ibang tao ay nagsisimba lang kung may espesyal na pagdiriwang sa simbahan katulad ng Mahal na araw, Pista, Pasko, at kanilang kaarawan", sabi ng aming pari. Oo't totoo nga ang kanyang sinabi. Marami sa atin ang nagsisimba lang kung may espesyal na kaganapan o di kaya'y nayaya ng barkada. "Masuwerte tayo sapagkat marami paring nagsisimba sa ating simbahan. Ang ibang simbahan sa ibang bansa ay abandonado na at ginawa na lamang museo", dagdag niya ."Sana'y ipagpatuloy natin ang pagsisimba kahit mawalan tayo ng pagsisimbahan sapagkat ang tunay na depinisyon ng simbahan ay hindi isang lugar... Ang simbahan ay ang mga taong nagsasama sama upang makinig, maipalaganap, at maiaplay ang mabuting balita ng panginoon".

     Napaisip ako habang ako'y naglalakad pauwi na hindi sapat ang pagiging mabait, mapagbigay, at matulungin upang maging isang mabuting alagad ng Diyos. Ang tunay na alagad ng Diyos ay mayroon ding matatag na PANANAMPALATAYA.



No comments:

Post a Comment