Monday, August 31, 2015

Kaibigan

        Araw ng mga bayani ngayon kaya walang pasok, nagkayayaan kami ng mga dati kong kaklase na maglaro ng basketball. Sabik akong makalaro sila sapagkat matagal ko na silang hindi nakikita. Masaya kaming naglaro,asaran dito,tawanan doon. Ganyan kami pag nagkakasamasama.

        Pagkatapos ng laro ay kami ay kumain,nagpahinga saglit,tapos gala naman. Hindi problema sa amin kung wala kaming pera. Basta't kami'y sama sama.

        Masasabi kong sila ay tunay na mga kaibigan dahil para sa akin,ang tunay na kaibigan ay tumutulong sa abot ng makakaya,hindi humihingi ng anumang kapalit,iniiwas ka sa mga maling gawain,malalapitan mo kung may problema ka at higit sa lahat ay napapatawa ka nila sa bawa't asaran at biruan.

       Ito yung mga kaibigan na pag nadapa o nahulog ka,imbes na tulungan ay pagtatawanan ka pa. Hindi rin sa kanila uso ang pagkatok sa pintuan ng bahay niyo, sila yung mga parang magnanakaw na papasok na lamang at hihiga sa inyong sofa na parang sa kanilang bahay. Sila rin yung mga kaibigan na hindi na "tita" o "tito" ang tawag sa mga magulang mo kun'di nakiki "mama" at "papa" na rin.

      Maraming tao sa mundo na pwede mong tawagin na kaibigan ngunit kakaunti lang ang magtatagal at maituturing mong "tunay" na kaibigan. Madaling makahanap ng kaibigan subalit mahirap humanap ng "tunay" na KAIBIGAN.

Saturday, August 29, 2015

Kalikasan



                                
        Ngayon ay araw ng sabado, kaunti ang aking takdang aralin kaya't napagpasyahan kong tumulong sa king ina sa pagtatanim at pagaalaga ng mga halaman sa aming bakuran.
       
        Makikita sa aming bakuran ang mga iba't-ibang tanim katulad ng talong,sili,talbos,kamote,pechay at kalamansi. Malaki ang tulong ngamga ito sapagkat imbis na bumili pa ay pipitas ka na lamang upang may ipangsahog sa mga lutong ulam.
 
       Noong una'y nakakatamad ang tumulong sa ganitng gawain, madumi ang lupa, nakakapagod ang magtanim at araw-araw mo itong didiligan. Pero naisip kong hindi lang ako at ang aking ina ang natutulungan ng mga ito kun'di nakakatulong din ito sa ating kalikasan.

       Sagana sa mga halaman at puno ang aming lugar, kaya't bihirang magbaha dito ngunit dahil na rin sa industriyalisasyon, unti-unting nawawala at nauubos ang mga halaman at puno dito. Maraming bahay na ang naitayo at patuloy pa itong nangyayari.
  
       Sana ay mamulat ang mga tao na mahalaga ang mga puno't halaman sapagkat ito ang magsasalba sa atin sa iba't-ibang sakuna. Matuto rin tayong magtanim ng mga halaman dahil hindi lang tayo ang makikinabang pati na rin ang ating KALIKASAN.

Saturday, August 22, 2015

Pananampalataya

       Araw ng linggo, ako ay nagpunta sa aming simbahan. Nagulat ako sa dami ng taong aking nakita. Kung ikukumpara mo sa pangkaraniwang araw ng linggo 'di mapagkakaila na mas maraming nagsimba ngayon. Hindi naman mahal na araw para maging ganito karami ang tao. Pinagmasdan ko ang paligid at aking nakita ang dahilan. Narito sa simbahan namin ang poong Nazareno.

       Nang magsimula ng magsalita ang aming kura paroko, nabanggit niya na siya'y nagagalak sapagkat binisita tayo ng ating mahal na poong Nazareno. Siya rin daw ay masaya sapagkat maraming dumalo sa banal na pagtitipon tipon. Ngunit sa kabila daw ng kanyang kasiyahan ay may lungkot din siyang nadarama. "Kung iisipin natin ang ibang tao ay nagsisimba lang kung may espesyal na pagdiriwang sa simbahan katulad ng Mahal na araw, Pista, Pasko, at kanilang kaarawan", sabi ng aming pari. Oo't totoo nga ang kanyang sinabi. Marami sa atin ang nagsisimba lang kung may espesyal na kaganapan o di kaya'y nayaya ng barkada. "Masuwerte tayo sapagkat marami paring nagsisimba sa ating simbahan. Ang ibang simbahan sa ibang bansa ay abandonado na at ginawa na lamang museo", dagdag niya ."Sana'y ipagpatuloy natin ang pagsisimba kahit mawalan tayo ng pagsisimbahan sapagkat ang tunay na depinisyon ng simbahan ay hindi isang lugar... Ang simbahan ay ang mga taong nagsasama sama upang makinig, maipalaganap, at maiaplay ang mabuting balita ng panginoon".

     Napaisip ako habang ako'y naglalakad pauwi na hindi sapat ang pagiging mabait, mapagbigay, at matulungin upang maging isang mabuting alagad ng Diyos. Ang tunay na alagad ng Diyos ay mayroon ding matatag na PANANAMPALATAYA.



Wednesday, August 19, 2015

Pagtutulungan

       Nagising ako ng may ngiti sa aking mukha at pagkasabik sapagkat ang pinaghirapan ng aming klase ay amin ng maipapamalas.Nag ayos ng sarili at pumunta sa napagkasunduang destinasyon.Nakita ko ang aking mga kamag-aral na nagaayos ng mga gagamitin sa presentasyon. Ako'y tumulong sa pagaayos, lumipas ang ilang oras ay nagsimula na ang labanan sa Sabayang Pagbigkas.
     
       Magagaling ang mga unang nagtanghal,hindi mawawari na ito'y kanilang pinaghandaan katulad namin.
Tinawag na ang aming klase,hinanda na namin ang mga props,nagsimula na akong kabahan hanggang sa narinig ko na ang mga boses ng aking mga kaklase.Maganda,buo at puno ng emosyon ang bawat salitang kanilang binibigkas. Bagamat may kaunting kamilaan ay sulit naman ang aming pinaghirapan ng marinig ko na ang palakpakan ng mga manunood.

       Nakahinga na maluwang ang aking mga kamag-aral pagkatapos nang aming pagtatanghal. Hinihintay na lang namin ang anunsyo kung sino ang mananalo.
    
       Dumaan ang oras ay amin ng nalaman kung sinu-sino ang mga nagwagi.Sa kasamaang palad, hindi kami nakasama sa mga nanalo.Siguro'y may kulang sa aming presentasyon na hinahanap ng mga hurado o kaya'y may napuna silang mga kamaliaan. Hindi mahalaga kung hindi kami nanalo basta't alam namin na ginawa namin ang lahat ng aming makakaya at naroroon ang aming PAGTUTULUNGAN.