Tuesday, October 13, 2015

Pagod

        Grabe ang aking kapaguran kahapon. Pagod na ang katawan pati narin ang isipan. Finals namin sa Trigonometry at removals naman sa Chemistry bukod pa doon ay naglinis din kami na aming room bilang isa sa mga requirements.

        Mag aalas 9 na ng gabi ng kami ay pauwiin. at halos wala na kaming masakyan papuntang Rodriguez, Rizal. Kaya halos 2 jeep na ang aming sinakyan mula sa Katipunan hanggang sa aming bahay. Mag aalas 12 ng kami ay makauwi.

       Gutom at pagod ang aking inabot kaya't pagkatapos kung kumain ay agad akong nakatulog.

       Dito ko napagtanto na iba talaga ang college life sapagkat kahit gabi na makauwi at kahit ika'y PAGOD ay pipilitin mong pumasok at magsumikap dahil ang hawak mo ay ang magiging buhay mo balang araw.

        

       

     

Tuesday, October 6, 2015

Kalat

        Habang ako'y papauwi galing sa isang nakakapagod na araw dahil sa mga final exam. Napansin ko sa aming lugar ang mga kalat sa mga estero at kalsada. Ito siguro ang sanhi sa pagbaha sa lugar.

       Hindi lang sa aming lugar ang maraming kalat pati na rin sa mga iba't-ibang lugar na napuntahan ko. Nakakaawang isipin na hindi lang ang kalikasan ang kawawa dahil sa mga kalat na ito kung hindi pati narin tayong mga tao.

      Di ko matatanggi na ako'y hindi nagtatapon ng basura sa kalsada ngunit hangga't maaari ay naghahanap ako ng basurahan o di naman kaya'y ito'y binubulsa ko muna kung wala akong makitang basurahan.

      Sana ay magkaroon tayo ng disiplina sa ating sarili upang mapangalagaan natin ang ating kalikasan at ang ating sarili.
     
      Bukod sa baha ay nagdudulot din ito ng mga sakit dulot ng karumihan ng mga kalat.

      Sana balang araw, sa pagkakauwi ko ay wala na akong makikitang KALAT.

Wednesday, September 23, 2015

Kalusugan

         Apat na araw akong nakaramdam ng mataas na lagnat at pagkawalan ng ganang kumain. Ngayong Miyerkules ay medyo umayos na ang aking pakiramdam. Ako'y tinamaan ng sakit na "Dengue".
       
         Biyernes ng hapon, naramdaman ko na masama na ang aking pakiramdam at ito'y nagpatuloy hanggang Martes. Nagpunta kami sa duktor upang ako'y mapasuri at dito nga nalaman na ako'y may dengue at ako'y kukuhaan ng dugo araw-araw hanggang malaman kung tumaas na ang aking "platelets" na kinakailangan upang ako'y gumaling. Sa awa ng diyos dalawang beses lang akong kinuhaan ng dugo at ito'y tinigil na sapagkat ang aking "platelets" ay tumaas na.
  
         Mahirap magkasakit sa mga panahon ngayon sapagkat bukod sa mga lessons mong mamimiss ay mabubutas din ang iyong bulsa dahil sa iba't-ibang gastos katulad ng mga gamot. Laking pasasalamat ko nga sa diyos sapagkat hindi ako na confine, dahil kung nangyari yun ay matinding gastos nanaman ang mararanasan ng aking ina.

        Mahirap iwasan ang dengue kaya't kumain ng masusustansyang pagkain upang may panglaban sa mga sakit at umiwas sa mga pagkaing makakasama sa iyong katawan. Ating pangalagaan ang ating KALUSUGAN. 

Thursday, September 17, 2015

Labing-pitong taon


        Isang espesyal na araw para sa akin ang araw ngayon sapagkat ito ang aking kaarawan. Tumakbo ng normal ang aking araw. Pumasok, nakinig sa guro, nakipagkwentuhan sa mga kaklase, umuwi at kumain.

         Hindi nakalagay sa Facebook ang petsa ng aking kaarawan sapagkat nahihiya ako kapag ako'y binabati bunga nito ay hindi alam ng aking mga bagong kaklase na ako'y nagdiriwang ngayon ng aking kaarawan.

         Pagkauwi ko'y nakatanggap ako ng mensahe sa aking dating kaklase. Ako'y kanyang binati at simula nito'y bumati narin ang mga iba kng dating kaklase at bumuhos na rin ang mga pagbati sa Facebook pati ng mgabago kong kamagaral ay bumati na rin.

         Bagama't nahihiya ako 'pag akoy binabati masaya naman ako sapagkat maraming nakakaalala sa aking espesyal na araw. Dala na rin sa iba't-ibang gastusin at sa hirap ng buhay hindi ko na hinahangad na ako'y may handa at regalo mula sa aking magulang. Ang mahalaga ay magpasalamat sa Diyos sa lahat ng biyayang natatanggap at ipagpasalamat na ako'y nabubuhay pa sa loob ng LABING-PITONG TAON.

Sunday, September 13, 2015

Modernisasyon

        Araw ng  linggo at kaarawan ng aking pinsan ngayong araw kami'y pumunta sa kanilang lugar at nagdiwang ng kanyang kaarawan. Doon kami'y naglaro ng mga bago niyang laro sa kanyang XBOX.

       Pati ang mga iba kong pinsan ay nagpunta rin. Nagulat ako sa mga nakababata kong pinsan dahil sila'y marunong ng gumamit ng mga android na cellphone sa edad na limang taong gulang. Doon ko napagisipan na ang modernisasyon talaga ay di na mapipigilan.

      Ang modernisasyon ay isang uri ng pagbabagong tradisyunal na higit mas maunlad at makabagong lipunan. Sa dami ng mga bagong kagamitan ng mga pinsan ko di mawawari na sila ay modernisado. Grabe ang nagagawa ng teknolohiya.

      Delikado rin ito sapagkat ang mga nakaugalian nating tradisyon ay baka tuluyan ng maglaho dahil sa
MODERNISASYON.

      
 
     

Wednesday, September 2, 2015

Trapiko

           Antagal ng biyahe ko kahapon pauwi galing ng  PUP. Bago palamang makasakay ng sasakyan ay matagal na akong nagintay sa Katipunan ng masasakyang jeep. Halos dalawang oras akong nagantay ngunit palagi na lang ibang biyahe ang mga jeep na dumadaan kung mayroon man ay lagi namang puno.

          Halos apat na oras ang aking ginugol upang ako'y makauwi. Pagod at uhaw ang resulta ng matagal na paghihintay at matinding trapik na aking naranasan. Marami ang pwedeng maging dahilan ng trapik, pwedeng ito'y  ay dahil sa maraming tao, maraming sasakyan, aksidente sa kalsada at problema sa daanan. Ngunit sana naman ay may solusyon ang gobyerno para sa mga ganitong sitwasyon.

          Matagal ng problema ang trapik sa Pilipinas. Marami ring away ang nangyayari dahil sa init ng ulo ng mga tao dulot ng matinding trapik. Marami nang naging proyekto ang pamahalaan tungkol dito ngunit hanggang ngayon ay wala paring lunas sa matinding trapik na nararanasan natin ngayon.
 
         Tayo rin ay may kasalanan kaya't nararanasan natin ito. Halimbawa nito ay ang mga maling pagpaparking ng mga sasakyan na nakakasagabal sa mga bumabyaheng pasahero.

         Sa tingin ko ay matatagalan pa upang ang matinding trapik ay mawala. Ito'y proseso kaya't kailangan natin ng mahabang pasensya, disiplina, at pagtutulungan ng pamahalaan at ng mga tao upang mapabilis ang daloy ng TRAPIKO. 

 
             

Monday, August 31, 2015

Kaibigan

        Araw ng mga bayani ngayon kaya walang pasok, nagkayayaan kami ng mga dati kong kaklase na maglaro ng basketball. Sabik akong makalaro sila sapagkat matagal ko na silang hindi nakikita. Masaya kaming naglaro,asaran dito,tawanan doon. Ganyan kami pag nagkakasamasama.

        Pagkatapos ng laro ay kami ay kumain,nagpahinga saglit,tapos gala naman. Hindi problema sa amin kung wala kaming pera. Basta't kami'y sama sama.

        Masasabi kong sila ay tunay na mga kaibigan dahil para sa akin,ang tunay na kaibigan ay tumutulong sa abot ng makakaya,hindi humihingi ng anumang kapalit,iniiwas ka sa mga maling gawain,malalapitan mo kung may problema ka at higit sa lahat ay napapatawa ka nila sa bawa't asaran at biruan.

       Ito yung mga kaibigan na pag nadapa o nahulog ka,imbes na tulungan ay pagtatawanan ka pa. Hindi rin sa kanila uso ang pagkatok sa pintuan ng bahay niyo, sila yung mga parang magnanakaw na papasok na lamang at hihiga sa inyong sofa na parang sa kanilang bahay. Sila rin yung mga kaibigan na hindi na "tita" o "tito" ang tawag sa mga magulang mo kun'di nakiki "mama" at "papa" na rin.

      Maraming tao sa mundo na pwede mong tawagin na kaibigan ngunit kakaunti lang ang magtatagal at maituturing mong "tunay" na kaibigan. Madaling makahanap ng kaibigan subalit mahirap humanap ng "tunay" na KAIBIGAN.